WritingsMessagesURING MANGGAGAWA, MAGKAISA UPANG LABANAN ANG MGA TUMITINDING...

URING MANGGAGAWA, MAGKAISA UPANG LABANAN ANG MGA TUMITINDING ATAKENG NEOLIBERAL AT MILITARISASYON SA PAGGAWA

-

Susing Talumpati sa ika-6 Kongreso ng Kilusang Mayo Uno-SMR,
Marso 30- Abril 2, 2016.

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle

Mahal na mga kasama sa Kilusang Mayo Uno-SMR! Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa inyong paanyaya na magbigay ng susing talumpati sa inyong ika-6 na Kongresong Rehyonal. Isang karangalan ang tungkuling ito. Nagpapaabot din ako ng taos pusong pakikiisa sa lahat sa inyo sa KMU at sa lahat ng inyong panauhin.

Napakahalaga at napapanahon ang tema ng inyong Kongreso: Mga manggagawa, magkaisa! Lumaban sa mga tumitinding neoliberal na atake at militarisasyon sa paggawa. Ang temang ito ang aking patnubay sa aking presentasyon. Nais kong ipaabot sa inyo ang paghanga at pagpuri ng ILPS sa inyong pakikibaka at mga tagumpay, ang masahol na pagpapahirap ng imperyalismong US sa ating bayan sa ilalim ng patakarang neoliberal at miltarisasyon, ang paglubha ng krisis ng global na kapitalismo at lokal na naghaharing sistema sa Pilipinas at mga tungkulin na dapat nating gampanan para pataasin ang antas ng pakikibaka at magkamit na mas malalaki pang tagumpay.

Saludo ang ILPS sa Kilusang Mayo Uno-SMR bilang taliba ng tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo sa rehyon. Sa mahabang panahon ang KMU ang parola ng uring manggagawa sa mga pagsisikap na mapahusay nito ang kanyang sosyo-ekonomiko at pampulitikang kalagayan. Pagkakataon ninyo ngayon sa Kongreso upang lagumin ang inyong pakikibaka at ipagbunyi ang inyong mga tagumpay magmula pa noong 2012 at pataasin ang inyong pagkakaisa sa kamalayan at mga bagong tungkulin para labanan ang mga tumintinding atake laban sa paggawa sa ilalim ng papet na rehimeng US-Aquino.

Sa SMR, nakaharap kayo sa isang kalagayan na mahigpit at mabalasik ang sabwatan ng rehimen, mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, malalaking panginoong maylupa at mga sandatahang pwersa ng estado. Ginagamit ang Oplan Bayahihan upang supilin ang mga unyon, manggagawa at mga lider manggagawa. Linalabag ang demokratikong karapatan at interes ninyo. Pinapatawan kayo ng militarisasyon. Laging nasa panganib kayo ng pagdukot, pagtortyur at pagpaslang. Ginigipit, tinatakot, minamanmanan at pinagbabantaan kayo ng mga militar at pulis sa bigong pagtatatangka nilang panghinain at buwagin ang inyong mga unyon.

Subalit hindi kayo nasisindak, lalo pa kayong tumatapang, lumalaban at sa gayon umaani ng mga tagumpay sa ilalim ng bandila ng KMU. Nabibigo ninyo ang pambabarat sa sahod at naitataas pa ninyo ito. Naipaggugumiit ninyo ang tenyur sa trabaho. Naipagtatanggol ninyo ang karapatang mag-unyon. Dahil sa wastong paglalapat at paggamit ng mga prinsipyo sa solidong pag-oorganisa at mga taktika sa pag-uunyon, dumoble sa loob ng tatlong taon ang bilang ng inyong mga lokal na unyon, nananalo ang mga ito sa mga certification elections at nakokonsolida sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na edukasyon, pag-organisa at pagpapakilos.

Humahanga ang ILPS sa pagdami ng miyembrong unyon ninyo nang 235 % magmula 2012. Sa nakaraang taon, nagtagumpay ang higit na 3000 manggagawang bukid sa mga plantasyon ng saging ng Sumifru sa pagpigil sa pagpapababa ng sahod sa pamamagitan ng sistemang pakyawan. Nagtagumpay din ang mga manggagawa sa agrikultura at manupaktura laban sa pagbubuwag ng mga unyon at ilegal na tanggalan sa trabaho.

Sa pamamatnubay ng pambansang sentro ng KMU, nakamit ng mga unyong apilyado sa KMU-SMR ang mahuhusay na collective bargaining agreements na taglay ang mga makabuluhang pagtaas sa sahod, dagdag na benepisyo at sa gayon matagumpay na itinaguyod ang mga pampulitikang karapatan ng mga manggagawa at unyonista.

Naisulong ng KMU-SMR ang mga karapatan at interes ng mga manggagawa at laging kaugnay rin nila ang mga magsasaka at Lumad at nakakasama nila sa mga anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pakikibaka. Malawak ang tinutulungan ng Legal Department ng KMU-SMR. Kabilang sa mga tinutulungan nila ang mga manggagawa sa mga sektor ng serbisyo, manupaktura at agrikultura. Mula 2012 naglunsad ang mga manggagawa ng siyam na welga na bumigo sa ilusyong “zero strike” ng rehimeng US-Aquino. Naipanalo pa ng mga welgista ang kanilang mga demanda.

Ang Neoliberal na Patakaran at Militarisasyon sa Pilipinas

Dapat isaalang-alang ng KMU-SMR ang pambansa at pandaidigang konteksto ng pakikibaka ng uring manggagawa sa SMR. Kaugnay nito, nakapaglathala na ang sentro ng KMU ng balangkas ng pakikibaka sa imperyalismong US sa kampanyang Mayo Uno at sa pagbubunyi ng Pandaigdigang Araw ng Uring Manggagawa sa taong ito. Dapat lamang na kilalanin natin ang mapagpasiyang papel ng imperyalismong US sa pagpapanitili ng malakolonyal at malapyudal na sistemang pinaghaharian ng mga lokal na uring malaking komprador at asendero. At pag-ibayuhin natin ang pakikibaka laban sa imperyalismong US at mga lokal na papet nito upang itaguyod, ipagtanggol at isulong ang pambansang kasarinlan at demokrasya.

Magkakasabwat ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa pagpapataw at pagpapatindi ng kahirapan, kagutuman at pambubusabos na dinaranas ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Pinagsanib nila ang mga dati nang neokolonial na patakaran sa dominasyong ekonomiko at pinansyal sa Pilipinas at ang neoliberal na patakaran ng walang limitasyon ng pagsasamantala sa pamamagitan ng pinabilis na pagpapababa sa tunay na sahod, pagtaas ng tantos sa disempleyo, pagwalang-saysay sa tenyur sa trabaho at mga benepisyo sosyal, pagbibigay ng tax exemption sa mga korporasyon at mayayaman, liberalisasyon sa pamumuhunan at kalakalan, pribatisasyon sa mga serbisyo sosyal, deregulasyon laban sa paggawa, lipunan at kalikasan at denasyonalisasyon ng ekonomiya.

Nilalabag ng imperyalismong US ang pambansang soberanya ng Pilipinas para ipawalangsaysay ang pambansang patrimonya at dambungin nila ang lakas paggawa at likas yaman at dominahin ang lahat ng negosyo. Sinadya ng imperyalismong US na bansutin ang industriya at agrikultura sa Pilipinas at palaganapin ang kawalan ng trabaho at kahirapan nang sa gayon mas madaling makapanghuthot ng supertubo ang mga korporasyon ng US at mga kasabwat nitong imperyalistang bansa. Sa ilalim ng patakarang neoliberal sa ekonomiya, inalis o binawasan ng mga papet na rehimen ang mga limitasyon sa pag-aari ng mga dayuhang korporasyon sa mga empresa sa bangko, kalakalan, mala-manupaktura, konstruksyon, pagmimina, plantasyon, trosohan at iba pa at pinaluwagan pa ang importasyon ng mga manupaktura at produktong agrikultural.

Ang imperyalismong US ang pangunahing may pananagutan sa rehiyonalisasyon at iba pang anyo ng pag-atake sa minimum wage sa pamamagitan ng Wage Rationalization Law at Salary Standardization Law. Gayundin sa kontraktwalisasyon sa paggawa na lahatang-panig na pag-atake sa mga karapatan ng mga manggagawa at kawani. Ipinatupad ang mga panlolokong ito para lalong baratin ang sahod ng mga manggagawa at sweldo ng mga kawani. Sa gayon, napapalaki ang supertubo tubo ng mga monopolyo-kapitalista at kasabwat nilang malalaking burges-komprador. Napapakinabangan pa nila ang mga kontrata at subsidyo sa ilalim ng Public Private Partnership Program. Ang rehimeng US-Aquino ang pinakamasahol sa pangangayupapa sa mga US at iba pang dayuhang korporasyon.

Madaling labagin ng imperyalismong US ang pambasang soberanya dahil sa pumapayag ang mga lokal na naghaharing uri at mga pulitikong ahente nila at dahil sa kontrolado ng US ang papet na hukbo sa pamamagitan ng pag-indoktrina at pagsasanay sa mga opisyal, pagsuplay ng mga kagamitang militar at palitan ng impormasyon sa paniniktik. Ang imperyalismong US ang utak sa mahabang pagpataw ng pasistang diktadura ni Marcos sa Pilipinas at ang walang tigil na mga oplan para supilin ang sambayanang Pilipino, mga pwersang rebolusyonaryo at mga makabayang pwersa, kabilang na ang mga unyon at iba pang organisasyong masa. Lantarang udyok ng US Counterinsurgency Guide ang malupit at madugong Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino.

Noong 1991 natapos na ang US-RP Military Bases Agreement dahil sa Konstitusyon ng 1987 at malakas na pagtutol ng masang Pilipino. Subalit sa balangkas ng US-RP Mutual Defense Pact, nakagawa pa rin ang US at mga papet nito ng iba’t ibang kasunduan (tulad ng ACSA, MLSA at Visiting Forces Agreement) para makapasok ang mga pwersang militar ng US sa Pilipinas sa ibat ibang dahilan at kabulastugan tulad ng joint military exercises, war on terror, humanitarian aid, civic action at disaster relief . At sa ngayon, magtatayo na naman ng mga base militar ang US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at alinsunod sa tinaguriang “strategic pivot to East Asia”. Sukdulang taksil ang rehimeng US-Aquino. Walang pinagkaibang taksil ang mga Marcos at Aquino sa puntong ito.

Matagal nang bantay-salakay ang US sa Pilipinas. Nagkunwaring tutulungan niya ang rebolusyong Pilipino laban sa mga Kastilang kolonyalista subalit ang tunay na balak ay sakupin niya ang Pilipinas bilang kolonya. Ngayon naman, sinasabi ng US na siya ang magpoprotekta sa Pilipinas laban saTsina subalit pinabibilis niya ang pahigpit na pananakop sa ekonomya at teritoryo ng Pilipinas. Kasabay nito, sinasabi niyang neutral siya sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, nais niya lamang na magkaroon ng freedom of navigation at sa katunayan hinahayaan niya ang Tsina na gumawa ng mga reklamasyon at pagkilos na labag sa exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas na takda ng UN Convention on the Law of the Sea.

Tunay na tarantado itong si Penoy Panot. Gusto niyang maipagpatuloy ang tuwad niyang daan sa pamamagitan ni Mar Roxas. At balak nilang dalawa na mandaya sa eleksyon sa pamamagitan ng pre-programming ng Smartmatic automated election system. Tinawag ko na perfect storm kung magkakasabay ang galit ng mamamayan sa pandaraya sa eleksyon at sa pagbulusok ng ekonomiya dahil sa panibagong paglubha ng krisis ng pandaigdig na sistemang kapítalista at dahil sa pagsambulat ng mga naipong problema ng ekonomya ng Pilipinas na tinakpan ng hot money o portfolio investments sa karamihang taon ng rehimeng US-Aquino. May probabilidad na magsabay ang mga pag-aalsa ng mga mamamayan at ang pagtindi ng sandatahang pakikibaka ng mga hukbong Pilipino at Bangsamoro.

Ang Pagkabangkarote ng Patakarang Neoliberal at Pagkalat ng Digma

Dapat unawain natin kung paano nangyayari ang krisis sa sistemang kapitalista. May kontradiksyon sa pagitan ng sosyal na katangian ng malakihang produksyon ng makina sa kamay ng kolektibong paggawa sa isang panig at ang pribadong pag-angkin ng uring kapitalista sa produkto ng paggawa dahil sa pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon sa kabilang panig. Maliit na bahagi lamang sa halaga ng bagong produkto ang ibinibigay sa mga manggagawa bilang sahod. At ang sobrang halaga na malayong lampas sa pasahod ay pinaghahatian ng mga kapitalista bilang tubo, mga bangko bilang interes sa pautang at sa may-ari ng lupa bilang upa.

Para mapalaki ng kapitalista ang kanyang tubo, pinalalaki ang palagiang kapital para sa kasangkapan sa produksyon at hilaw na sangkap at pinalilitit niya ang baryable o pleksibleng kapital para sa pasahod. Ang problema sa pagpapaliit ng pasahod para lumaki ang tubo ay nagbubunga ng krisis ng relatibong labis na produksyon. Ibig sabihin nito hindi kayang bilhin ng mga manggagawa ang mga kalakal na nilikha nila dahil sa maliit na kita nila. Yong pagpapalaki ng palagiang kapital ay nauuwi sa tendensya ng pagbaba ng tantos ng tubo at pagkitid ng palengke. Dahil sa kasakiman ng mga kapitalista, nagkakaroon ng mga resesyon at mas malubha pang depresyon sa ekonomiya.
Para mapangibababwan ang krisis at pasiglahin ang produksyon, kalakalan at konsumo, ang ginagawa ng uring kapítalista at burgis na estado ay mag-imprenta ng mas marami pang pera at maluwag na ipautang ito sa mga kapitalista at mga konsumidor. Pero nauuna ang mga kapítalista sa pagpapabilis ng akumulasyon nila ng kapital, sadyang pinatataas nila ang halaga ng ari-arian nila at ibayong nakakakuha ng tubo hindi na lamang sa produksyong kundi mas malaki pa sa mga merkadong pinansyal para kontrahin ang krisis ng labis na produksyon at ang tendensya ng pagbagsak ng tantos ng tubo. Sa kalaunan, nauuwi ang tinatawag na boom sa tinatawag na bust. Sumasambulat ang krisis sa tunay na ekonomya o produksyon at sa pinansya.
Binibigyan diin ng mga tagapagtaguyod ng patakarang neoliberal ng lubos na laya ang palengke o sa katunayan ang mga monopolyo kapitalista at pinipigilan nila ang interbensyon ng estado, liban sa napapanahon na pag-areglo sa suplay ng pera at tantos ng interes. Ang minamahalaga nila ay ang pagpapalaki ng kapital sa kamay ng mga monopolyo kapitalista para daw mapalaki nila ang ekonomya at ang empleyo. Kung gayon, sabi ng mga neoliberal, dapat pababain ang pasahod, bawasan ang gastos ng gobyerno sa mga serbisyo sosyal, bawasan ang buwis ng mga kapitalista at bigyan sila ng lahat ng pagkakataon para magpalaki ng kapital at tubo sa pamamagitan ng liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakalan, pribatisasyon ng mga ari-arian ng estado, deregulasyon at denasyonalisayon ng mga ekonomyang di-maunlad.
Naging dominante ang neoliberal na patakaran sa ekonomiya magmula 1981, sa panahon ni Reagan sa US at ni Thatcher sa Britanya. Naging mas madalas at mas malubha ang mga krisis sa ekonomiya at pinansya. Pero patuloy na kumakapit ang US at mga alyado nito sa patakarang neoliberal na nagpapayaman sa iilan at nagpapahirap sa lubos na nakararami. Nasa balintunang daigdig tayo ngayon. Isang por syento ng populasyon ang may-ari ng 50 por syento ng kayamanan ng daigdig. Pinasisidhi ng neoliberal na patakaran ngayon ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga mamamayan ng bansang imperyalista, sa mga tinaguriang bagong sulpot na merkado at mga bayang di-maunlad.
Wala pang pagbawi sa krisis ng ekonomiya at pinansiya na gumulantang sa buong daigdig noong 2008. Ang pagpapalawak sa suplay ng pera at pagpapautang ay dumaloy lamang sa mga merkadong pinansyal at hindi sa produksyon at empleyo. Lalong nakasama sa mga konsumidor, sa produksyon at empleyo ang mga austerity measure na ipinapasa sa mga mamamayan ang pasanin ng krisis sa layuning bakahin ang implasyon at paglobo ng utang na publiko. Kung pababain nang pababain ang kita ng mga manggagawa, liliit ang bilang ng makakabili sa kanilang produkto. Sa gayon, ang daigdig ay nasa matagalang depresyon; hindi lamang maigsihang resesyon.
Sa taong ito, may panibagong paglubha ng krisis ng global na kapitalismo. Mula pa 2014 pumutok na ang tinawag na China bubble. Labis na labis ang mga di-mabayarang pautang sa mga lokal na gobyerno at pribadong korporasyon para sa labis na konstruksyon sa Tsina. Pabagsak ang mga iniluluwas na kalakal at ang tantos sa paglaki ng ekonomya. Ang Rusya ay nasa malalang resesyon dahil sa mga sanction ng G-7 at pagbagsak ng presyo ng langis. Malalaki ang publikong utang ng Europa at Hapon at naging matumal ang mga ekonomya nila. Matapos ang matagal nang pagpalaki ng suplay ng pera at pautang, inumpisahan na ng US na itaas ang tantos sa interes. Inaakit ang pera mula sa ibang bansa at lumalaki ang interes sa pautang sa mga di-maunlad na bansa na nagigipit dahil sa pagbagsak ng presyo ng mga kalakal nilang hilaw na sangkap at malamanupaktura.

Sa nakaraang pulong ng G-20 sa Shanghai noong Pebrero,tinanggap ng mga ministro sa pinansya at sentral na bangkero na wala na silang kalutasan sa palubhang krisis. Nagkasundo na lamang sila na magbigay ng abiso sa anumang bansang nais magdebaluasyon para maiwasan daw ang gulatan at digmaan sa pagpapaba ng halaga ng pambansang pera at presyo ng mga eksport. Sa katunayan, ang mas malaking peligro ngayon ay mga default ng mga bansang baon sa utang at walang kakayahang magbayad ng interes at amortisasyon. Tinatanggap ng IMF na labis na pabigla-bigla ang mga malakihang agos ng kapital at kung may isang malaking default magkakagulo ang buong sistema sa pinansya.

Ang mga digmang pinakana at isinasagawa ng US at NATO ay nakagawa ng malaking pinsala sa mga buhay at kasangkapan at nagbunga ng malakihang paglikas ng milyun-milyong tao. Patuloy na lumalagablab at kumakalat ang mga gera sa Kanlurang Asya at Aprika. Walang katiyakan na ang pansamantalang tigil-putukan na inareglo ng Rusya at US ay makakatapos sa masalimuot sa digmaan sa Syria. Patuloy din ang US sa paglulunsad ng mga probokasyon sa Silangang Asia. Ipinapalagay ng US na mahalagang pampasigla sa matumal niyang ekonomya ang produksyon, pagbenta at paggamit ng mga pandigmang kasangkapan. Subalit masyadong malaki na ang ginagastos ng US sa pagtatayo ng mga base militar at pakikidigma.

Ang krisis ng ekonomya ng US at ng pandaigdigang sistema ng kapítalismo ang nagtutulak sa produksyong pandigma, terorismo ng estado at mga digmang agresyon. Pinapaigting nito ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga kapitalistang poder. Nag-aagawan sila ng mapagkukunan ng murang paggawa at mga hilaw ng sangkap, palengke, larangan ng pamumuhunan at saklaw ng impluwensiya. Tumatampok ang labanan ng mga bloke sa ekonomya at seguridad ng mga imperyalistang bansa. Umiigting ang tunggalian ng bloke ng US, Unyon ng Europa at Hapon at bloke ng Tsina at Rusya.

Dapat magpalakas ang mga pwersang anti-imperyalista at demokratiko at mga alyansa sa pamumuno ng mga rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa. Dapat harapin ang walang tigil na krisis ng global na kapitalismo at ang laging paglubha ng pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawa at sambayanan. Paigtingin ang anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka tungo sa sosyalismo. Ito ang maningning at magandang kinabukasan bunga ng matagumpay na pakikibaka ng uring manggagawa at lahat ng mamamayan.

Imperyalismong US, ibagsak! Imperyalismo, salot sa manggagawa! Imperyalismo, salot sa mamamayan!
Imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo – ibagsak!
Makibaka para sa pambansang demokrasya! Tunguhin ang sosyalismo!
Makibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!
Mabuhay ang pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka!
Labanan ang mga patakarang neoliberal!
Ibasura ang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, denasyunalisasyon!
Sahod, trabaho, karapatan – ipaglaban!
National Minimum Wage, P750 –ipaglaban! National Minimum Wage, P16,000 –ipaglaban!
Sahod, itaas! Presyo, ibaba! Kontraktwalisasyon, ibasura!
Wage Rationalization Law, ibasura! Regional wage boards, buwagin!
Salary Standardization Law, ibasura! Herrera Law, ibasura! Labor Code, ibasura!
DO 18-A Series of 2011, ibasura! K+12, ibasura!
Itaas ng P2,000 ang SSS pension! Pigilin ang jeepney phaseout!
Katarungan para sa mga manggagawa ng Kentex!
Itigil ang Public-Private Partnership Program!
Imperyalismong US, No. 1 terrorista!
Layas ang mga pwersang militar ng US!
Ibasura ang EDCA! Ibasura ang VFA! Ibasura ang Mutual Defense Pact!
Labanan ang US Pivot to Asia! Atin ang Pinas, US at China layas!
Wakasan at panagutin ang rehimeng US-Aquino! Wakasan ang tuwad na daan!
Biguin at gapiin ang Oplan Bayanihan!
Palayain ang mga detenidong tagapagtanggol ng mga karapatan sa paggawa!
Palayain ang lahat ng political prisoner!
Walang pagbabagong idudulot ang eleksyon! Hindi tatapusin ng halalan ang kahirapan!
Eleksyon: laro ng malalaking kapitalista at mga panginoong maylupa!
Ilantad ang pandaraya sa Smartmatic automated electoral system!
Manggagawa, magkaisa at lumaban! Magtayo ng mga tunay na unyon!
Manggagawa, lagutin ang tanikala ng pagsasamantala!
Manggagawa, palayain ang uri! Uring manggagawa, palayain ang sambayanan!
Kababaihang manggagawa, magkaisa at lumaban!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Uring manggagawa ng buong daigdig at mga inaaping bansa, magkaisa at lumaban!

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you