Durugin ang Rebolusyon?
Tula ni Jose Maria Sion
Nobyembre 4, 2021
Bawat taon banta ng mga pasista
Na durugin ang rebolusyon
Sa pamamagitan ng pagpaslang
Ng mas marami pang bayaning
Pinanday sa apoy ng pakikibaka.
Paanong durugin ang kilusang armado
Ng bayang muhi sa mga halimaw:
Mga imperyalista, malaking komprador,
Mga asendero, mga korap na opisyal
At mga berdugong utusan nila?
Paano durugin ang rebolusyong
Pagnanasa at pag-asa ng bayan
Laban sa pang-aapi at pagsasamantala,
Ang kawalan ng trabaho at lupa,
Laganap na hirap, gutom at implasyon?
Paanong durugin ang bumabalikwas
Na mga anakpawis, kababaihan
At kabataang buong tatag at siglang
Sumasapi sa partido ng rebolusyon,
Pulang hukbo at mga samahang masa?
Paanong durugin ang mga lihim na pulong
Sa mga tahanan, bakuran at kasukalan
Na lumilikha ng mga rebolusyonaryo
Sa tantos na malayong mas mabilis
Kaysa sa paspaslang ng mga martir?
Paanong durugin ang malawak na pagdami
Na mga iskwad, platun at kompanya
Ng hukbong bayan, milisya at Pulang tanod
Ng mga rebolusyonaryong samahang masa
Na laging handang sumibak sa kalaban?
Paanong durugin ang kilusang masa
Ng mga inaapi at pinagsasamantalahang
Nagtatayo ng bagong pamahalaan
Sa kanayunan hanggang makakayanang
Agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran?
Kabulastugan lang ng mga halimaw
Ang bantang durugin ang rebolusyon
Sa bawat taon ng terorismo ng estado
Na nagpapaalab sa rebolusyon hanggang kaya
Nitong durugin ang kaaway sa huling kuta.