WritingsinterviewsKOMENTARYO SA MGA PAHAYAG NI PADILLA SA RAPPLER HINGGIL...

KOMENTARYO SA MGA PAHAYAG NI PADILLA SA RAPPLER HINGGIL SA NEGOSYASYONG PANGKAPAYAPAAN

-

Prof. Jose Maria Sison
Punong pmapulitikang Konsultant ng NDFP

Sa kahilingan ni Sonny Mallari
Philippine Daily Inquirer, Hunyo 22, 2013

Sonny Mallari: Kaugnay sa mga pinakahuling pahayag ni Alex Padilla sa Rappler, talaga bang nagwakas na ang usapang pangkapayapaan? Pakikomentaryuhan ang kanyang mga pahayag.

JMS: Si Alex Padilla ang nagsabing patay na ang usapang pangkapayapaan. Maaaring totoo ito, laluna sa panahon ng rehimeng Aquino, na nag-iilusyon na kaya nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan na dinisenyo ng US. Subalit naniniwala akong na patuloy na lalakas ang panawagan ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan para sa pistoks dahil sa lumalalang krisis sa ekonomya at lipunan, ng paglakas ng rebolusyonaryong kilusan at ng pag-igting ng gera sibil.

Rappler (Rap): Si Padilla, na dating aktibistang kilala si Sison at iba pang myembro ng panel ng NDFP, ay nagsabing sinimulan niya ang usapan sa paniniwalang siya ang angkop na tao para sa gawain. Subalit malao’y napagtanto niya aniya na wala itong saysay.

JMS: Nagalak kami ni Louie Jalandoni noong umpisa, na naitalaga si Alex Padilla na Tagapangulo ng Negotiating Panel ng GPH. Naisip namin na dahil galing siya sa BAYAN, mauunawaan niya ang pananaw ng NDFP at alam niya kung paano makipagsalubungan, tulad ni Silvestre Bello III na galing din sa BAYAN. Pagkatapos, nang hindi na umusad ang negosasyong pangkapayapaan, akala namin ay sumusunod lamang si Padilla sa utos ng kanyang mga amo. Subalit ngayon, pananaw na niya ang kanyang ipinapahayag na walang-saysay ang negosasyong pangkapayapaan at syempre, sinisisi niya ang iba sa kanyang pagkabigo.

Rap: “Matapos ang pagsusuri o ang proseso mismo, kumbinsido ako na isa itong proseso na hindi matatapos. Na isa itong proseso na sadyang hindi para sa kapayapaan kundi para ipagpatuloy ang digmaan [at para sa kanila] upang makakuha ng mga konsesyon sa ngayon,” ani Padilla.

JMS: Siniguro ng rehimeng Aquino, ng tagapayo sa usapan na si Deles at ng punong negasyador na si Padilla na wala nang magaganap na negosasyon sa panahon ng termino ng rehimen dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

1. Simula ng unang pormal na usapan noong Pebrero 2011, inalipusta na nila ang The Hague Joint Declaration bilang isang “dokumento ng walang katapusang pagkakahati” at ininsulto ang NDFP at ang mga nakaraang rehimen sa pagkakaroon ng mahigit sampung kasunduan, kabilang ang ngayo’y tanyag sa daigdig na Comprehensive Agreement of Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

2. Pirmi nilang binabaluktot ang iginigiit ng NDFP sa GRP o GPH na pagtalima sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) bilang paunang kundisyon sa mga negosasyon at palaging tumatangging palayain sa ilalim ng JASIG ang sinumang bilanggong pulitikal na protektado ng JASIG.

3. Iginigiit nila na hindi saklaw ang rehimeng Aquino ng anumang pinasok na kasunduan ng GRP sa NDFP at kung gayo’y walang saysay na makipagnegosasyon at makipagkasunduan sa GPH.

4. Lagi nilang iginigiit ang isang anyo ng walang-taning na tigil-putukan na gagamitin lamang ng GPH para alisan ng saysay ang pagpapatuloy pa ng negosasyon sa mga sustantibong adyenda.

5. Sila ang pinakakumitil sa negosasyong pangkapayapaan mula pa noong Abril 2013 at naging arogante na hindi man lamang nagbigay ng anumang pormal na abiso ng terminasyon sa NDFP sang-ayon sa JASIG.

Rap: Sabi ni Padilla, dapat sanang natalakay pa ang “pangkalahatang deklarasyon” noong Pebrero nang sopresahin ni Sison ang panel ng gubyerno ng: 3 bagong dokumento na nagpupursige ng “regular na landas,” na siyang landas na nagbahura sa usapan noong nakaraan.

“Matapos ang Pebrero, ganap nang di nagkasundo dahil nais ni Joma na ipatigil muna namin ang conditional cash transfer, tapusin ang Oplan Bayanihan ng AFP, ihinto ang lahat ng gawin sa PAMANA, bigyan ng lupa ang 5 milyong magsasakang walang lupa, at kung anu-ano pa bago kami umusad sa sunod na antas,” ani Padilla. Ang conditional cash transfer ang pangunahing programa ng gubyerno para labanan ang kahirapan, habang ang Oplan Bayanihan naman ang kampanyang kontra-insurhensyang militar na nakatutok sa pagbubuo ng mga komunidad.

JMS: Ang pagpupulong sa Amsterdam noong Pebrero 2013 ay naglalayong hawanin ang daan para sa tinaguriang unang makasaysayang pulong sa Hanoi sa pagitan namin ni Aquino bilang presidente ng GRP at ako bilang punong tagapagtatag ng PKP. Kahalintulad dapat ito sa naunang pagtatagpo nina Aquino at Murad sa Tokyo noong Agosto 2011. Iminungkahi ng tagapayo sa pulitika ni Aquino na si Ronald Llamas ang isang pulong namin ni Aquino simula noong Nobyembre 2012 at naging paksa sa ilang pag-uusap, na lalakukan ng ispesyal na sugo ng RNG na si Ture Lundh, bago ang Pebrero 2013.

Sa pulong sa Amsterdam noong Pebrero 2013, sapat na para sa mga delegasyon ng GPH at NDFP na gumawa ng borador na pahayag para sa prodyeksyon ng pulong pagtatagpo sa Hanoi. Subalit binalewala ng delegasyon ng GPH ang borador ng pahayag ng NDFP at iginiit na ilimita ang talakayan sa borador ng deklarasyon ng GPH para sa “walang-taning na sabayang unilateral na tigil-putukan” at sa panimulang borador ng NDFP ng pangkalahatng deklarasyon. Kagyat na idiniin ng delegasyon ng NDFP na ang iginigiit ng GPH para sa “walang-taning na sabayang unilateral na tigil-putukan” ay lito at walang batayan at eksaktong kabaligtaran ng panukala ng NDFP para sa tigil-putukan at alyansa.

Idineklara ng delegasyon ng NDFP na ang pinakamagagawa na lamang ng pulong sa Amsterdam sa loob ng dalawa o tatlong araw ay ang magkasundo sa borador ng pahayag para sa pulong sa Hanoi at simulan ang talakayan sa mga idadagdag sa pangkalahatang deklarasyon para sa tigil-putukan at alyansa na mangangailangan ng ilang buwang negosasyon matapos ang pulong sa Hanoi. Para maipakita sa delegasyon ng GPH kung gaano pa karami ang kailangang trabahuhin para mabuo ang isang pangkalahatang deklarasyon hinggil sa tigil-putukan at alyansa (o pambansang pagkakaisa at isang makatarungang kapayapaan), ipinakita ng delegasyon ng NDFP sa delegasyon ng GPH ang isang mas maunlad na borador ng NDFP ng nabanggit na deklarasyon. Sa puntong ito, ayaw nang palawigin pa ng delegasyon ng GPH ang pulong at idineklara na dapat muna nilang bumalik sa kanilang prinsipal.

Rap: “Ang tiyak, ayaw na namin pang bumalik sa tinaguriang regular na landas, at kung ang gubyerno ang tatanungin, kinitil na nila ang ispesyal na landas. Kaya heto na tayo ngayon,” ani Padilla.

JMS: Hindi maaaring palitan ng ispesyal na landas ang regular na landas ng negosasyong pangkapayapaan, nang hindi nilalabag ang The Hague Joint Declaration. Ang regular na landas ay esensyal na bahagi ng ispesyal na landas. Ang ispesyal na landas ng usapan ay pampuno lamang sa regular na landas. Layon nitong harapin ang pangungulit ng GRP o GPH sa mga impertinenteng usapin tulad ng walang-taning na tigil-putukan, na marapat na isalang sa ikaapat at panghuling bahagi ng sustantibong adyenda. Maaaring umusad ang regular na landas ng usapan kahit wala ang ispesyal na landas.

Palaging nililinaw ng NDFP noon pa mang 2005 na nais nitong magkaroon ng tigil-putukan at alyansa sa gubyerno ng Maynila anumang oras batay sa isang pangkalahatang deklarasyon ng komun na layunin upang makamit ang ganap na pambansang kalayaan, demokrasya, pag-unlad ng ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa at hustisyang panlipunan. Ang alok na ito ay muling idiniin sa rehimeng Aquino noong Pebrero 2011. Inilinaw ng NDFP na ang alok ay maaaring makamit sa isang espesyal na landas ng usapan habang nagpapatuloy ang regular na landas sang-ayon sa The Hague Joint Declartion.

Rap: “Ang totoong usapin ay, ang NDF ay isang organisasyon ng 17 rebolusyonaryong organisasyon. Lahat ng rebolusyonaryong organisasyong ito ay pinamumunuan ng mga komunista. Ang tanong ngayon, dapat ba tayong makipag-usap sa NDF na isa lamang prenteng pulitikal? Siguro ay dapat tayong makipag-usap sa mga komunista — sa PKP. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang aktwal na nagdidirihe at nagmamaneho sa kilusan,” ani Padilla.

JMS: Ang Panel sa Negosasyon ng NDFP ay lubos na binigyang-awtoridad ng PKP, BHB at ng NDFP na makipagnegosasyon sa katapat nito GRP o GPH sa pambansang antas. Ito ang entidad na nakikipagnegosasyon sa ngalan ng PKP, BHB at NDFP mula pa noong panahon ng rehimeng Cory Aquino.

Rap: Masama ang loob ni Padilla at aminadong nais na niyang lisanin ang usapang pangkapayapaan.

JMS: Talagang manlulumo si Padilla na patuloy na buo pa rin ang Negotiating Panel ng NDFP taliwas sa nais niya.

Rap: “Ang talagang nararamdaman ko ngayon ay kahambugan sa bahagi ng gubyerno at ng NDFP na isiping makabubuo ng isang kasunduan….Dahil sinisikap naming makabuo ng kasunduan na reresolba sa lahat ng tunggalian–ang mga ugat ng tunggalian, ika nga, Utopia lamang ito,” dagdag niya.

JMS: Si Alex Padilla mismo ang nag-iisip na hindi siya angkop sa negosasyong pangkapayapaan sa NDFP dahil naniniwala siyang ang pagkakamit ng isang makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng pagharap sa mga ugat ng armadong tunggalian ay utopyan (hindi makatotohanan). Lumalabas na haling siya pagpapasuko at pananahimik ng PKP, BHB at ng NDFP.

Hindi maaaring makipagkasundo sa kapayapaan ang mga rebolusyonaryong pwersang ito sa alinmang rehimen na hindi tinutugunan ang kahilingan ng sambayanang Pilipino sa ganap na pambansang kalayaan, demokrasya, pag-unlad sa ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, hustisyang panlipunan at internasyunal na pakikipagkaisa para sa kapayapaan laban sa imperyalismo at digmaan.

Rap: Ibang-iba ito sa prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), pagdidiin niya.

“Ang MILF ay isa ring grupong armado, napakalakas, subalit sila mismo ay naniniwala na ang prosesong pangkapayapaan ay bahagi ng mga pamamaraan para makamit ang makatarungang kapayapaan. Hindi ganyan ang mga komunista,” paliwanag niya.

“Talagang hindi nagbabago ang pagtingin nila na ang prosesong pangkapayapaan ay isa lamang sa pamamaraan para sa isang layunin at ang layuning ito ay ibagsak ang gubyerno at itayo ang isang pambansang demokratikong estado na tutungo kalunan sa isang komunistang estado,” ani Padilla.

JMS: May kani-kanilang pananaw, pamamaraan at programa sa pampulitikang pagkilos ang NDFP at MILF. Hangad ng NDFP ang pinakamabuti sa kanilang pagsisikap upang makamit ang isang kapayapaang makatarungan at may dangal para sa kapakinabangan ng mamamayang Moro sa pamamagitan ng negosasyong pangkapayapaan. Subalit ang napapansin namin nitong mga nakaraan, na pinababayaan ng rehimeng Aquino si Deles at ang militar na guluhin ang negosasyong pangkapayapaan.

Patuloy na susuportahan ng NDFP ang MILF kung magpasya itong muling ituloy ang armadong pakikibaka dahil hindi tumutupad ang GPH sa mga kasunduan. Nababahala ang MILF sa lantarang pagtalikod ng GPH sa mga krusyal na punto sa kanilang framework agreement (balangkas ng kasunduan). Titingnan natin kung talagang makikipagkasundo ang rehimeng Aquino sa MILF.

Rap: Minamantine ni Padilla na kailangan ang isang “bagong pamamaraan”. “Kailangang pa itong harapin sa pamamagitan ng mabuting pamamahala, ng praktikal na modernisasyon, mas magagandang kalsada, komunikasyon,” aniya.

JMS: Ang “bagong pamamaraan” ng rehimeng Aquino na tuta ng US, higit sa lahat ay mga operasyong pangkombat, paniktik at saywar sa ilalim ng Oplan Bayanihan na dinisenyo ng US. Ang mga pakanang pamumudmod ng salapi at mga batbat-ng-katiwaliang nakabimbing proyekto sa obras publikas ay mga walang saysay na pagtatangkang pansaywar. Kung walang negosasyong pangkapayapaan, inaasahan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng malawak na masa ng sambayanan ang mas brutal na mga kampanya ng panunupil militar ng rehimeng Aquino at mas maraming panlilinlang sa pamamagitan ng huwad na pagtatambol ng mabuting pamamahala, kapayapaan at kaunlaran.

Rap: Subalit nag-aalala si Padilla na ang susunod na henerasyon ng pamunuan ng PKP ay magiging mas marahas.

“Matapos ang pamumuno nina Joma Sison, Fidel Agcaoili…. Tingin ko ang [mga lider] ay mga edad 40… May palaging takot sa panig ko na ang susunod na andana ng pamunuan ay hindi magiging bukas sa talakayan o negosasyon. Kung tatawagin ko–utak pulbura,” aniya.

JMS: Tumpak si Padilla para asahan ang mas matinding paglaban ng mga rebolusyonaryong pwersa at mga lider nila. Kung wala nang neogasyong pangkapayapaan dahil ayaw ito ng GPH, sadyang magtutuon ang rebolusyonaryong pamunuan at ang masa sa pagsusulong ng digmang bayan mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

Ang lumalalang pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa gaya ni Aquino ay nagdudulot ng katakut-takot na pagdurusa sa mamamayan at nag-uudyok sa kanila upang lumaban para sa kanilang pambansa at panlipunang paglaya. Ang Bagong Hukbong Bayan ay may kritikal na bilang para paigtingin at palawakin ang mga taktikal na armadong opensiba. Gayundin, mabilis na lumalaki ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang mga organisasyong masa at ang mga lokal na sanagy ng PKP.###

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you