Home Writings Messages MENSAHE NG PAKIKIISA SA AMBALA SA OKASYON NG SUMMIT NITO

MENSAHE NG PAKIKIISA SA AMBALA SA OKASYON NG SUMMIT NITO

0
MENSAHE NG PAKIKIISA SA AMBALA SA OKASYON NG SUMMIT NITO

Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
August 15, 2015

Ikinararangal ko pong ipaabot ang militanteng pagbati ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) sa okasyon ng Summit nito ngayong ikalabing lima at labing anim (15 at 16) ng Agosto.

Kami sa ILPS ay bumabati sa inyong matibay na pakikibaka at mga tagumpay na natamo hanggang ngayon laban sa pinakamakapangyarihang pamilyang malaking komprador-asendero sa bansa. Batid ng buong daigdig ang dakilang welga ng Hacienda Luisita at ang AMBALA bilang pinakamalawak na samahan ng masang anakpawis sa Hacienda Luisita na nananawagan para sa tunay na reporma sa lupa.

Malaki ang simpatya ng mga mamamayan ng mundo sa paghihirap ninyo bunga ng pinakamasahol na pang-aapi at pagsasamantala, kabilang ang mapanlinlang na paggamit ng stock distribution option sa mahabang panahon, ang kasumpsumpang masaker at serye ng pagpaslang, tulad sa lider ng United Luisita Workers Union na si Tirso Cruz, lider ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union na si Ricardo Ramos, lider ng Alyansa ng Magbubukid sa Tarlac na si Marcelino Beltran, lider ng Anakpawis na si Victor “Tatang Ben” Concepcion, lider ng Bayan Muna-Tarlac na si Flor Collantes, konsehal ng Lungsod Tarlac na si Abel Ladera, Bishop Alberto Ramento and Fr. William Tadena na lahat ay tumindig at nagtaguyod sa inyo.

Mataas ang pagtingin ng mga mamamayan ng daigdig sa inyo bunga ng inyong pagpursigi sa pakikibaka para sa lupa at katarungan, at sa mahahalaga ninyong tagumpay sa kabila ng pag-akyat ni Benigno Aquino III sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ng malalaking komprador at asendero na dominado ng pamahalaang US at sa kabila ng walang kaparushan (impunity) at pagtataas pa nga ng ranggo ng mga opisyal na militar at sibil na may pananagutan sa masaker sa Hacienda Luisita at mga kaugnay na pagpatay na nauna kong binaggit.

Itinataguyod namin ang matatag na layunin at pagsisikap ng summit na lalong konsolidahin ang mga komunidad ng mga magbubukid sa sampung barangay ng Hacienda Luisita at mas mahusay pang ihanda sila tungo sa higit pang malalaki at mahihirap na pakikibaka sa hinaharap sa harap ng pakana ng pamilyang Cojuangco-Aquino at mga kasabwat na paigtingin ang mga tangka nitong paligiran, agawin, daklutin at muling ikonsentra ang lupain at biguin ang masang anakpawis sa Hacienda Luisita.

Tulad ng inyong isiniwalat at kinondena, patuloy ang mga kasinungalingan, panlilinlang, militarisasyon, pananakot, panliligalig at kawalang parusa bilang mga paraang ginagamit ng presidente ng republikang papet at ng kanyang pamilya upang labagin ang inyong mga batayang karapatan sa lupa at katarungan. Gumagamit sila ng masasalimuot at mapanlinlang na pakana upang atakihin at pagkaitan kayo ng lupa. Subalit ang AMBALA ay nagtagumpay na buuin ang inyong kolektibong lakas at pamunuan kayo na magkamit pa ng mga tagumpay sa sosyoekonomya at pulitika.

Marami pa ang kailangang gawin upang magkamit ng higit na malakaking tagumpay. May tiwala kami na magiging matagumpay ang inyong summit na patibayin pang lalo ang inyong mga tagumpay at balangkasin ang mga balak at tungkulin sa pagkakamit ng higit na malalaking tagumpay. Dapat kamtin pa ninyo ang dagdag na mga tagumpay di lamang para sa sarili ninyo sa Hacienda Luisita kundi para sa lahat ng masang anakpawis at para sa ating bayan. Nakakapagpalakas loob sa lahat na ang AMBALA ay kalahok sa pambansang kampanya para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon; at naninindigang isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang AMBALA!
Isulong ang pakikibaka sa Hacienda Luisita!
Mabuhay ang mga magsasaka at manggagawang bukid!
Ipagtagumpay ang tunay na reporma sa lupa at hustiya sosyal!
Mabuhay ang pambansa demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino!