Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
15 Setyembre 2010
Nagagalak akong magpaabot ng mensahe ng pakikiisa sa pamunuan at kasapian ng KARATULA sa ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag nito sa ika-16 ng Setyembre.
Ipinaabot sa akin na ang tema ng inyong selebrasyon ay: Dekada: sining ang kalasag sa pagbubudyong ng bagyo. Subalit maaari pa ninyong pahusayin at patalasin ang inyong mga metapora.
Totoong ang sining ay puedeng ihambing sa kalasag. Pero mas mahalagang ituring na ulos ang sining. Bilang sandata ng bayan, ang sining ay may katangiang ulos at kalasag. Kayong mga aktibista sa sining ay hindi mga pasibong dinadatnan ng bagyo. Militante kayong kalahok sa masa sa paglikha ng unos na yayanig sa naghaharing sistema mula pundasyon hanggang bubong nito sa pagsisikap ng sambayanang Pilipino na ibagsak ang sistemang ito.
Inaasahan kong lagi ninyong pinag-aaralan, sinasapul at isinasagawa ang napakahalagang papel ng mga aktibista sa sining at literatura sa gawaing pangkultura at propaganda para likhain ang isang makabayan, demokratiko at makamasang kultura. Gayundin para isulong ang pakikibaka ng bayan sa rebolusyonaryong landas ng nasyonal na pagpapalaya at demokrasya laban sa imperyalismo at mga lokal na reaksyonaryo.
Buo ang aking tiwala na magiging matagumpay ang inyong mga masining na produksyon tulad ng mga monologo at dula, ang roaming exhibit at piyesta ng pag-aaral katulad ng alternatibong klase at pora na itatanghal ninyo sa UP-Manila, PUP, PLM at UP-Diliman at sa isang komunidad ng maralitang taga-lunsod sa darating na 20-23 Setyembre.
Aking ninanais na inyong maipamalas na ang inyong gawain sa sining ay naglilingkod sa sambayanang Pilipino, laluna sa anakpawis na mga manggagawa at magsasaka. Dapat ninyong ilantad at salungatin ang pagsasamantala at pang-aapi na dinaranas nila sa kamay ng mga imperyalista at malalaking komprador at asendero. At nararapat na ilahad ang kanilang pakikibaka para sa nasyonal at sosyal na pagpapalaya.
Mabuhay ang KARATULA!
Gawing sandata ng bayan ang sining!
Mabuhay ang anakpawis at sambayanan!