Ni Jose Maria Sison
May-Akda
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Punong Konsultant ng National Democratic Front of the Philippines
Enero 29, 2016
Mahal na mga kasama, kababayan at mga kaibigan! Una sa lahat, nagpapasalamat ako kina Gobernador Victor Yap at Rep. Susan Yap bilang mga punong abala at sa mga sponsor: ang ILPS-Philippines, BAYAN-Gitnang Luson, AMGL, CLAA, WAR III, ACT-CL, Karapatan-CL at International Network for Philippine Studies. Lubos na nasisiyahan ako na ang aklat-lunsad ng Crisis Generates Resistance ay isinasagawa bilang parangal kay dating Gobernador Jose V. Yap, laluna sa kanyang makasaysayang papel bilang tagapagtaguyod ng makatarungang kapayapaan.
Mahal kong kaibigan si Mang Apeng. Nasa aking aklat ang aking parangal sa kanya. Nakalahad dito ang aming pagkakaibigan at pagtutulungan. Matibay siyang taga suporta sa Kabataang Makabayan noong dekada ng sesenta. Nagtulungan kami laban sa pagpapadala ng Philcag sa Biyetnam. Linabanan namin ang pagbabalak at pagsasagawa ni Marcos ng pasistang diktadura. Nagtulungan kami sa pagpapabagsak sa diktadura. Kasunod nito, sinikap naming magkaroon ng matibay na kapayapaan sa ating bayan.
Patuloy ang magandang ugnayan ko sa pamilyang Yap. Malaki ang naitutulong ni Victor at Susan sa anumang proyekto na may kabuluhan at may kabutihan sa mga mamamayan. Alam din ng lahat na namalagi ako nang ilang taon sa Tarlac magmula Enero 1969 at itinuturing ko ang aking sarili na Tarlakenyo. Natutuwa ako na kabilang sa mga panauhin ng aklat-lunsad na ito ang ilang magigiting na kasama ko sa pakikibaka sa Tarlac at sa Gitnang Luson..
Nagpapasalamat din ako kay Rep. Silvestre Bello at iba pang tagasuri sa aklat sa paglulunsad na ito. Kasamahan namin ni Mang Apeng si Bebot sa pagsisikap na magkaroon ng makatarungan at matibay na kapayapaan sa ating bayan para itaguyod ang pambansang kasarinlan, demokrasya, pag-unlad sa ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa, hustisya sosyal, makabayan at progresibong kultura at lahat ng kabutihan para sa bayan.
Taos-puso kong binabati ang lahat na panauhin at pinapasalamatan ko sila sa kanilang pagdalo. Alam kong kabilang sa inyo ang mga opisyal ng gobyeryo, mga guro, iba pang propesyonal, mga estudyante, mga magsasaka at manggagawang-bukid at napakarami pang ibang mamamayan. Umaasa ako na makapagbibigay liwanag ang aking aklat sa mga mayor na problema at kalutasan sa balangkas ng pambansang kasarinlan at demokrasya.
Nilalaman ng aklat ang aking mga talumpati at artikulo tungkol sa mga mahahalagang isyu sa Pilipinas at sa daigdig sa taong 2009 at 2010. Dito ko ipinapaliwanag ang mga dahilan at gaano kalubha ang pang-ekonomya at pampinansyang krisis ng 2008 na sumambulat sa US at kumalat sa buong daigdig para salantain ang mga ekonomya, laluna sa mga di-maunlad na bansa na katulad ng Pilipinas.
Hanggang ngayon patuloy ang pandaigdigang depresyon ng mga ekonomya at nagbubunga ito ng mga matitinding tunggalian sa pulitika, sa paggamit ng terorismo ng estado at pagkalat ng mga digmang agresyon. Mainam kung maiintindihan natin ang mga problemang ito para maging malinaw at matatag ang mga kalutasan na dapat isagawa ng mga mamamayan upang kamtin ang pambansa at panlipunang kalayaan.
Mabuhay ang mga kababayan kong Tarlakenyo!
Isulong ang rebolusyong Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!