WritingsMessagesMensahe sa Kongreso ng muling pagtatatag ng National...

Mensahe sa Kongreso ng muling pagtatatag ng National Federation of Sugar Workers – FGT

-

Prof. Jose Maria Sison
Chairperson, International League of Peoples’ Struggle
Chief Political Consultant, National Democratic Front of the Philippines
Mayo 30, 2017

Mahigpit akong nakikiisa at malugod na bumabati sa paglulunsad ng Kongreso ng muling pagtatatag ng National Federation of Sugar Workers o NFSW-FGT na may temang “Palakasin at Palawakin ang NFSW bilang pambansang pederasyon ng mga manggagawang bukid sa tubuhan. Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa, karapatan, at kagalingan ng mga manggagawang bukid sa tubuhan!

Ang Kongreso ng muling pagtatatag ng NFSW-FGT ay mahalagang okasyon upang muling i-reorganisa ang NFSW, maitakda ang mga layunin at programa ng pagkilos para sa paglalatag nito bilang pambansang pederasyon ng mga manggagawang bukid sa tubuhan. Ginaganap ang inyong Kongreso sa panahon ng matitinding neoliberal na atake sa paggawa, sa agrikultura at sa buong ekonomya.

Sa muli ninyong pagtatatag ng NFSW-FGT, mainam na balikan ang mga mahahalagang aral at kasaysayan nito bilang isang militanteng unyon ng mga manggagawang bukid sa tubuhan na sumibol at nagkaugat sa isla ng Negros kung saan naroon ang pinakamasahol na kalagayan at pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Mahalaga ang mga aral na ito para sa mga bagong kasapian at lider ng NFSW.

Itinatag ito noong 1971 sa La Carlota City ng mga aktibistang kleriko at taong simbahan mula sa Kongregasyon ng mga Heswita na mahigpit na kaisa ng mamamayan sa pagtataguyod ng panlipunang hustisya. Kasama sa mga naging tagapagtatag ng NFSW si Ka Louie Jalandoni, na noon ay isang pari at Social Action Director ng Diocese of Bacolod, kasama sina Fr. Hector Mauri at Fr. Edgar Saguinsin. Mahalaga rin ang naging papel ni Bishop Antonio Fortich, noo’y obispo ng Bacolod sa pagkakabubuo ng NFSW. Ang sabi pa noon ni Bishop Fortich, “sinusuportahan ko ang NFSW dahil sila ay organisado.”

Nang sumunod na taon, pinamunuan ng NFSW ang makasaysayang welga ng mga manggagawang bukid sa tubuhan sa Hacienda Tuburda sa La Carlota upang hilingin ang pagtataas ng sahod at pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa. Hindi sumunod ang may ari ng plantasyon at inalis sa trabaho ang lahat ng manggagawang kasapi ng NFSW. Nang ideklara ni Ferdinand Marcos ang Martial Law, inaresto ang mga manggagawa at unyonista ng NFSW. At kahit sa panahon na ng Martial Law, masulong na nagpatuloy ang pag-organisa, kahit na may mga insidente ng mga pag-aresto sa mga lider ng NFSW at mga manggangawang bukid sa tubuhan kagaya ng kaso sa Sitio Malingin noong 1978. Marami sa kanila ang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan na siyang nagpundar ng rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Negros.

Noong dekadang iyon, ang Pilipinas ang ikasampu sa pinakamalaking prodyuser ng asukal sa mundo at siyam sa bawat 100 Pilipino ang nagtatrabaho sa industriya ng asukal. Mahigit 93% ng higit kalahating milyong manggagawang bukid sa tubuhan noon ay mga manggagawang bukid. Sa isinagawang pag-aaral noon ng Association of Major Religious Superiors sa 83 hacienda sa Negros, lumabas na higit kalahati o 58% ang hindi nakakatanggap ng minimum agricultural wage at 80% ang wala nakukuhang ni anumang benepisyo.

Dahil sa kalagayang ito, higit na nahikayat sa NFSW ang maraming mga manggagawang bukid sa tubuhan at kinalauna’y naging mga pinakamahuhusay na organisador. Isa na rito si Kasamang Serge Cherniguin na nagbitiw sa kanyang trabaho bilang enkargado sa isang hacienda upang buong panahong mag-organisa sa hanay ng mga manggagawang bukid sa tubuhan.

Hindi naging madali ang pagpupundar ng NFSW noon. Dumaan ito sa maraming kahirapan at pagsubok kasabay ng pagharap sa papalaking mga tungkulin at gawain na dapat tugunan. Kumilos nang matatag at militante ang NFSW sa panahon na pabagsak na ang industriya ng asukal sa bansa sa mga dekada ng setenta at otsenta dahil sa global na krisis ng labis na produksyon sa asukal at dahil din sa kasakiman at ispekulasyon nina Marcos at Benedicto.

Mabisang ginamit na pamamaraan sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng NFSW ang mga pormasyon ng Basic Christian Communities o BCC na naglantad pang lalo sa kaapihan ng mamamayan ng Negros, laluna ng mga sakada at dumaan, sa kamay ng malalaking asendero sa tubuhan.

Itinaguyod ng NFSW ang karapatan ng mga manggagawa sa mga tubuhan at asukarera at nilabanan ang pyudalismo, kakulangan ng pasahod, kawalan ng lupa ng mga magsasaka at manggagawang bukid at ang pagsasamantala at malupit na pagtrato ng mga panginoong maylupa o mga ‘sugar barons’ gaya ng mga Benedicto, Yulo, Coscuella, Cojuangco, Montelibano at iba pa, sa mga manggagawang bukid sa tubuhan at asukarera.

Ang mga asukarera at milling o mga ‘Central’ naman ay pinaghatian nina Jose Yulo ng Canlubang, ng mga Lopezes ng Pasumil, ng mga Cojuangcos ng Central Azucarera de Tarlac, ng mga Ossorio ng Victorias Milling Company at ng mga Ledesma ng San Carlos samantalang ang Silay-Hawaiian, Central Bais sa Negros Oriental at Central San Pedro sa Batangas ay hawak ng mga dayuhan noon.

Nasa matinding krisis pang-ekonomiya at pampulitika noon ang bansa at pinalala pa ang kalagayan ng mamamayan ng diktadurang Marcos. Unti-unting nahubog ang NFSW bilang isa sa pinakamilitanteng pederasyon ng mga manggagawa sa bansa. Sumabay ito sa pambansang aklasan ng mga manggaggawa na inumpisahan ng La Tondena strike noong 1974-75.

Kinilala ang NFSW bilang nangungunang unyon ng mga manggagawang bukid sa tubuhan hanggang umabot ang kasapian nito sa higit 30,000 sa buong Negros pagpasok ng dekada otsenta. Kasama ang mga lider at kasapi NFSW sa nagtatag ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Patuloy na inilantad at nilabanan ng NFSW ang mga anti-manggagawang Batas Paggawa at ipinagtanggol ang karapatan ng mga manggagawang bukid sa tubuhan na noo’y apektado ng malalang krisis sa industriya ng asukal. Maramihang mga welga at aksyon ng mga manggagawang bukid sa tubuhan at mga hacienda ang inilunsad.

Malaki ang naging ambag ng NFSW sa paglaban ng mamamayan at pagpapatalsik sa diktadurang Marcos. Binansagang ‘komunista’ ng estado ang mga taong simbahan at unyonista ng NFSW. Ang Escalante Massacre noong 1985 ay isa sa marahas na ganti estado at mga panginoong maylupa sa malakas na paglaban ng mga magsasaka at manggagawa.

Nang bumagsak ang industriya ng asukal sa pandaigdigang saklaw noong kalahatian ng dekada otsenta, nawalan ng trabaho ang daan-daan libong manggagawang bukid sa tubuhan. Nagsara ang mga asukarera. Lalong naghirap at nagutom ang milyun-milyong mamamayan ng Negros. Nawala ang malaking bilang ng kasapian ng NFSW. Sa halip na panghinaan ng loob, tinugunan ng NFSW ang kalagayan upang sagipin sa gutom ang mamamayan.

Iginiit ng NFSW sa mga panginoong maylupa ang farm-lot program at ikinampanya ang pagbubungkal sa mga tiwangwang na lupa upang taniman ng makakain ng mga manggawang nawalan ng trabaho sa mga plantasyon at asukarera. Apat na libong ektaryang lupain ang nataniman ng mais, kamote at iba pang pagkain. Tinutulan ito ng mga haciendero kahit isang porsyento lang ito ng kabuuang sukat ng lupa ng Negros. Muling sumikad ang kasapian ng NFSW, bago matapos ang dekada otsenta, mayroon na itong 85,000 kasapi.

Ang mga aral na ito ay magsisilbing gabay sa pagpapanibagong lakas ng NFSW hanggang sa mailatag ito sa pambansang saklaw. Tungkulin ng NFSW na organisahin ang pinakamaraming bilang ng mga manggagawang bukid sa tubuhan at asukarera na nakakonsentra sa mga asyenda, tubuhan at sugar mill districts sa buong bansa. Abutin ang higit 600,000 manggagawang bukid sa tubuhan sa buong bansa. Kabilang dito ang mga nasa Luzon, Panay, Eastern at Central Visayas, Negros at Mindanao. Organisahin rin ang mga sakada na siyang pinakapinagsasamantalahan sa mga tubuhan.

Buong sigasig na itaguyod ng NFSW ang mga karapatan sa paggawa ng mga manggagawang bukid sa tubuhan at asukarera — ang karapatan sa sahod, benepisyo, pag-uunyon at iba pang mga demokratikong karapatan. Labanan ang sistemang pakyaw na nagpapahirap sa mga manggagawang bukid laluna sa panahon ng Tiempo Muerto o off-milling-season.

Tutulan ang Sugar Block Farming na isang paraan upang makonsentra sa iilang panginoong maylupa ang mga tubuhan at maisadlak sa mga mapagsamantalang iskema gaya ng joint ventures at contract growing ang mga magsasaka. Igiit at ikampanya ang pagbabalik ng multibilyong pondo ng Social Amelioration Program upang makabenepisyo dito ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya.

Kasabay nito, mahigpit na makipag-isa sa militanteng kilusan ng mga magbubukid sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pagbuwag sa mga malalaking asyenda at monopolyo sa lupa ng illan. Marami sa mga malalaking asyendang ito ay nasa rehiyon ng Negros, kabilang ang tinatawag na ECJ hacienda na sumasaklaw sa 6,000 ektarya.

Ang naibalangkas na 12-puntong panawagan sa ginanap na National Sugar Summit ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura noong 2016 ay mahusay na dalhin din ng NFSW. Patuloy na hamunin ang administrasyong Duterte na tugunan ang mga konkretong panawagang ito ng mga manggagawang bukid sa tubuhan at asukarera.

Hangad natin lahat ang pagtatagumpay ng Kongreso ng NFSW at ang pagsulong nito bilang pambansang pederasyon ng mga manggagawa sa tubuhan.
Mabuhay ang National Federation of Sugar Workers!
Mabuhay ang mga manggagawang bukid sa tubuhan!
Mabuhay ang kilusang paggawa at sambayanang Pilipino!

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you